Friday, May 13, 2005

Tagsibol ng mga Bulak

Unti unti silang namumukadkad. Dyan sa paligid-ligid, ng mga rumaragasang kotse sa kalsada at berdeng halimuyak ng hangin, nakahalo lang sila. Mula sa distansya ng aking binabagtas ng kalsada ay mapipigurahan mo ang mga mumunting bulak na pasayaw sayaw sa kahabaan nito. At pagtingin mo sa tapat ng iyong mga mata ay naroon din sila sa hangin, na tila bumabati at nangungumusta sayo habang umiikot sa buong katawan mo. Kung di dahil sa mga bulak na ito ay malamang ang pinapansin nalang nitong utak ko araw araw ngayong panahon ng tag-init ay ang Matematika Limamput-apat o kaya naman ay ang mga taong nakakasalamuha ko sa paligid. Salamat sa mga bulak na ito at kahit papano nagagawa ko paring mapagtuunan ng pansin ang mga bagay na walang buhay, o mga bagay na walang saysay sa isang pangkaraniwang estudyante na nagsisipag mag-aral sa panahong tulad nito sa isang napakalawak na unibersidad.

Nakakatamad, sya nga, na lagi nalang paulit-ulit ang ginagawa mo mula Lunes hanggang Biyernes. Ewan ko kung bakit parang di ako sanay pero ganito rin naman ang dinadanas ko noong nasa Mataas na Paaralan pa lang ako. Kasama ang mga kaibigan ko lagi kaming naglalakad mula sa Alumni Center hanggang Math Bldg. Asahan mo tuwing maglalakad kami eh hindi na mawawala ang may magtatanong samin sa kalsada na isang magarang kotse(minsan taxi), at magtatanong kesyo saan ang ganito, saan ang ganoon. Ewan ko ba kung ano ang bumabalot saming 3 ng mga kasama ko at sa lahat ba naman ng naglalakad at sa laki ng UPD eh kami pa ang laging napapagtanungan ng mga lugar sa loob ng kampus. Lagi yon pag kaming 3 ang magkasama, pero pag iba kasama kong kaklase, di naman ganon. Natatawa nalang kaming tatlo pag-alis ng nagtanong sabay tukso sa kanila - "mukha kasi kayong information counter sa kalsada eh, ang sarap tanungan!" Pakiramdam tuloy namin mga alumni na kami ng UP na tila kabisado na ang lahat ng pasikot-sikot doon. Pero wag ka, mag-iisang taon palang kami sa mamahalin naming kampus.

Biyernes, Ikalabintatlo ng Mayo, tila suwerte nga naman ang pakiramdam ko sa araw na ito. Ewan ko pero pakiramdam ko talaga eh hinde kamalasan ang dulot ng kakaibang araw na ito. Hindi naman ako binigo ng aking hinuha sapagkat nanalo na naman kami sa PE naming duckpin bowling. Kasi, pumasok ako ng maaga para mapataas ang "fighting spirit" ng mga kakampi ko, ehehe. Wala naman talagang kamalasan kung walang bibigyan ng salitang "malas" sa mga pangyayari sa araw na to. Kahit na gabi ako umuwi dahil sa make-up class ng alas-singko eh hinde ko naman naituring na kamalasan yun, pagkat kung di ako nagkaroon ng klase ng alas singko, hindi ko magagawang masdan ang UP sa unti-unting takipsilim nito. Lumabas ako ng Math Bldg at tumingala sa isang mapulang langit na tila isang mukha na napaparam ang sigla at unti-unti nagpapaalam. At bago pako makalabas ng UPD kampus ay tuluyan nang nawala ang huling sinag ni dakilang Araw.

Masarap maglakad mag-isa. Walang nag-aantay o nagmamadali sa bawat hakbang mo. Lalo na kung naglalakad ka sa isang malawak na lugar, yung maraming mamamasdan sa paligid. Iba ang sayang dulot nito kaysa saya ng paglalakad kasama ng iyong mga kaibigan. Parehong masaya, ngunit iba ang pakiramdam sa isa't isa. Payapa ang utak, habang binabagtas ang kalawakan ng mga damo. Wala kang kasama o kasabay na naglalakad sa paligid, ikaw lang ang dumaraan sa daanang iyon. Ikaw ang nanonood sa mga taong mararaanan mo, at kasabay ng pagliliwaliw ng iyong mga paa ay namamasyal rin kung saan-saan ang iyong panginorin. Ang takbo ng imahinasyon ang nagbibigay buhay at sigla sa mga kumakaway na puno, at di masawatang ingay ng mga kuliglig sa talahib - na ang dating sa iyo ay magandang tunog na dulot ng isang natural na kalikasan.

Swerte... Iyon ang gusto kong itawag sa buong araw kong ito. Hindi ito pangkarinawang araw ng pagpasok ko sa eskwela, na walang ibang gagawin kundi pumunta sa klase tapos diretso uwi. Kahit buong araw mabigat ang mata ko sa antok, sa huli eh mas nananaig parin ang saya ng araw na ito.

Tatapusin ko ang araw na ito sa isang mahimbing na tulog.

Magandang Gabi...

"Thank God it's Friday... the 13th!"